Drilon: Martial Law extension dapat 60 araw lang

0
11

Sharing is caring!

Iginiit ngayon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na masyadong mahaba ang limang buwang extension para sa Martial Law sa Mindanao.

Ginawa ni Sen. Drilon ang pahayag matapos ang sponsorship speech ni Sen. Gringo Honasan para aprubahan ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin hanggang katapusan ng Disyembre 31, 2017.

Sinabi ni Drilon, batay sa news reports, hindi na aabutin ng limang buwan ang krisis sa Marawi City kaya dapat hindi na lalagpas ng 60 araw ang ibibigay ng extension.

Ayon naman Sen. Honasan, dapat pagbigyan na lamang ang kahilingan ng chief executive at hindi na aamyendahan ang hinihinging panahon para maresolba ang problemang rebelyon sa Mindanao.

Nang nagbotohan ang mga mambabatas, natalo ang mosyong amyenda ni Drilon at nagwagi ang posisyon ni Honasan na hanggang Disyembre 31, 2017 ang ibibigay na extension sa Martial Law sa Mindanao.

Read Also:  Replay : Joint Congress Session on Martial Law Extension in Mindanao

Una rito, magkakasunod namang nagpahayag ng pagsuporta sa Martial Law extension ang mga kongresista mula sa Mindanao partikular mula sa Maguindanao at Lanao del Sur na may sakop ng Marawi City.

Sinabi ni Rep. Bai Sandra Sema ng Maguindanao na suportado nila ang Martial Law para matapos na ang problema sa “violent extremism” na hindi naaayon sa aral ng Islam.

Ayon kay Sema, naniniwala silang ang Martial Law ngayon ay malayung-malayo sa idineklarang Martial Law noong 1970’s kung saan tinawag nitong “genocide” laban sa mga Muslim.

Kasabay nito, nagbabala rin si Sema sa publiko na mag-ingat sa mga reaksyon sa isyu at huwag magpapadala sa progpaganda ng mga ISIS-Maute terror group na pag-awayin ang mga Muslim at Kristiyano.

Read Also:  Kongreso inaprubahan ang Martial Law extension

Sa panig naman ni Maguindanao Rep. Sajig Mangudadatu, napapansin niyang karamihan sa mga kumokontra sa Martial Law sa Mindanao ay mga taga-Luzon at Visayas na mambabatas.

Kaya hinihikayat daw ni Mangudadatu ang mga mambabatas na taga-labas ng Mindanao doon sila tumira para malaman ang tunay na kalagayan sa rehiyon.

Kabilang din sa nagpahayag ng suporta sa Martial Law si Rep. Mauyag Papandayan ng Lanao del Sur 2nd District.

Sharing is caring!