7-anyos mahigit isang taong paulit-ulit na hinalay umano ng retiradong pulis sa Pagadian

0
204

Sharing is caring!

Mahigit isang taong paulit-ulit umanong hinalay ng isang 78-anyos na retiradong pulis ang isang pitong taong gulang na batang babae sa Pagadian City.

Nadiskubre ng ina ng batang si Darlene, hindi tunay na pangalan, ang panghahalay nang magreklamo itong masakit ang kanyang maselang bahagi. Napansin din ng ina ng bata na pabalik-balik ang lagnat nito sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.

Kuwento ng ina, tinamaan ng matigas na bagay ang kanyang ari kaya ito sumasakit dahilan para magpasya siyang dalhin ang bata sa health center.

Sa health center, biglang umamin ang bata na matagal na siyang paulit-ulit na hinalay ng kapitbahay nilang dating pulis.

“Noong una,tinanong ko siya. Sabi niya nasagi pero nang magtagal inamin din niya na ginalaw siya ng aming kapitbahay,” anang ina ng bata.

Base sa kuwento ng bata, tuwing wala ang kanyang ina sa bahay at habang naglalaro siya kasama ang iba pang bata sa kanilang likod-bahay ay kinukuha siya ng matanda at dinadala sa sariling bahay nito para halayin.

Tindera ng gulay sa palengke ang ina ni Darlene at halos gabi na itong umuuwi sa kanilang bahay, isang pagkakataon umanong nakita ng suspek upang halayin ang bata.

Ayon sa Women and Children’s and Protection Desk ng Pagadian City Police Office, nagsimula ang panghahalay sa bata noong Enero ng taong 2016, noong 6-anyos pa lamang ito, at Marso 4 ngayong taon ang huling naganap na pambababoy.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa dating pulis na sa ngayon ay malaya pa ring nakakagalaw sa siyudad.

Sharing is caring!