5gold medals, nahakot ng Pilipinas ngayong araw sa SEA Games

0
17

Sharing is caring!

Humakot ng limang ginto ang Pilipinas ngayong araw sa nagpapatuloy na Southeast Asian (SEA) Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nakakuha ng gold medal si Eric Cray sa 400 meters hurdles.

Nagbigay ng dalawang ginto ang mga pambato ng bansa sa gymnastics na sila Reyland Capellan at si Kaitlin De Guzman.

Nakapagrehistro si Capellan ng 13.95 points, samantalang si De Guzman naman ay may 12.88 points sa kani-kanilang event.

Dumagdag din sa listahan ang pagkapanalo ni Agatha Wong na manlalaro ng bansa sa wushu – women’s taijiquan.

Hindi rin nagpahuli at nagdagdag din ng isa pang ginto ang national fencing team nang magwagi si Brennan Louie sa naturang sport.

Nakalaban niya ang kapwa Pinoy na si Nathaniel Perez at nagtapos ang tunggalian sa score na 15-14 para itala ng bansa ang 1-2 finish.

Sa women’s epee, nabingwit ni Hanniel Abella ang pilak habang ang tanso naman ay kay Harlene Raguin.

Sa larangan ng karate, sa kumite below 60-kg event, sumegunda ang Pinoy na si Jayson Ramil Macalalay.

Naka-bronze medal naman ang pambato ng bansa sa men’s individual kata na si Orencio James Delos Santos.

Sa women’s kumite below 50-kilogram event, nakakuha rin ng tanso si Junna Tsukii.

Sa ngayon ay may walong ginto, walong pilak at pitong tansong medalya na ang Pilipinas sa medal tally ng SEA Games as of 6:30pm.

Sharing is caring!